Pamahalaan, walang bagong buwis na sisingilin hanggang 2022

Wala munang bagong buwis na ipapataw o sisingilin ang gobyerno hanggang sa 2022.

Sa pagsalang ng pambansang pondo sa plenaryo, naitanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo kung mayroon pa bang tax relief na maibibigay ang pamahalaan sa publiko sa gitna na rin ng COVID-19 pandemic.

Tugon naman dito ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, batay sa guidance ng Department of Finance, ipagpapaliban na muna sa Hulyo 1, 2022 ang magiging bisa ng mga nakalinyang tax measures.

Magkagayunman, hindi aniya ibig sabihin nito na ipagpapaliban na din ang pagpasa sa mga panukalang batas na magpapataw ng buwis.

Paliwanag ni Salceda, kailangan pa rin itong maisabatas upang matiyak na ang susunod na administrasyon ay may sapat na armas na pagkukuhanan ng pondo bilang pambayad sa mga gastos at utang ng bansa bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng P4.5 trillion naman na panukalang budget para sa susunod na taon, uutang ang bansa ng P3.025 trillion.

Bahagi nito ay para punan ang P1.8 trillion na budget deficit habang ang nalalabi ay para sa pagbabayad ng utang at interes nito.