Pamahalaan, tiniyak ang kahandaan para sa mga maapektuhan ng bagyong Usman

Walang dahilang nakikita si Defense Secretary Delfin Lorenzana para mag-isyu pa ng kautusan ang Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng inaasahang pagtama ng bagyong Usman sa Eastern Samar.

Sa pulong balitaan sa Malacañang, inihayag ni Lorenzana na mayroon na namang umiiral na guidelines na sinusunod ng lahat ng government agencies sa panahong may paparating o inaasahang kalamidad.

Sabi ni Lorenzana naghanda na ang mga local disaster management office na pinangangasiwaan ng mga local chief executives. Kabilang na dito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapaglatag na aniya ng paghahanda para sa relief operations gayundin ang mga gagamiting evacuation center ng mga residenteng posibleng maapektuhan ng bagyong Usman.

Dagdag ng kalihim na nakapagpalabas na rin ng sapat na advisory ang  National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng mga pagbaha at landslide dahil sa bagyong Usman.  | ulat ni Alvin Baltazar