Pamahalaan, pinaplantsa na ang shuttle service ng frontline workers 

Pinakikilos muna ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga LGUs upang mag-provide ng libreng sakay sa mga frontliners na apektado ng suspensyon ng mass transport, sa gitna na rin ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Matatandaan kasi na sa unang araw ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine, bumungad sa mga mangagawa ang pahirapan na sitwasyon sa pagko-commute patungo sa kanilang mga tanggapan.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na pinakiusapan muna nila ang mga LGUs na tumugon sa problemang ito habang pinaplansta pa nila ang mga problema na lumutang sa unang araw na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.

Habang inaayos pa nila ang sistema sa shuttle service ng mga medical workers at iba pang frontliners, inatasan na muna aniya ng DILG ang mga LGUs sa tulungan ang iba’t ibang ospital sa kanilang nasasakupan.

Inihalimbawa ni Usec Malaya ang ginawa ng pamunuan ng Parañaque City, pinull out na raw nila ang mga sasakyan nila na naka-detail sa iba’t ibang ahensya, at ito ngayon ang ginagamit bilang shuttle service ng kanilang mga health workers.

Ayon kay Usec Malaya, mamaya sa pulong ng IATF, lilinisin nila ang mga first day issues na ito, upang masolusyunan ang mga aberyang ito, lalo’t kailangang makarating sa trabaho ng ating frontline workers.