Pamahalaan, patuloy ang pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa Rice Tariffication Law

Tumutulong ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Department of Agriculture (DA), Department of Finance (DOF) at National Economic Development Authority (NEDA) sa pagpo-promote at pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa Rice Tariffication Law (RTL).

Ito ang sinabi ni DTI Assistant Secretary Ann Claire Cabochan, sa gitna ng usapin ng pagbaba ng presyo ng palay kada kilo, kung saan ang RTL ang nakikitang dahilan ng ilang magsasaka kaugnay nito.

Ayon kay Cabochan, humingi rin sila ng tulong sa ilang market administrators at local government units upang i-inform ang mga consumers at wet market retailers kaugnay sa angkop na farm gate to retail prices at nang matiyak na naibebenta ang agricultural products sa angkop na presyo.

Mahigpit rin aniya ang ginagawang monitoring ngayon ng DTI sa presyo ng mga produktong agrikultura partikular ang bigas.

Sinabi nito na sa kasalukuyan, consistent naman ang kanilang pinakahuling monitoring data sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Aniya, ang regular milled rice ay P35 per kilo; P40 per kilo ang well milled rice; P46.50 ang premium rice at P50 per kilo ang special rice.

Ang NFA rice naman ay nananatili sa P27.00 per kilo para sa regular milled rice at P32.00 per kilo para sa well milled rice.