Pamahalaan, nagpahayag ng kahandaang rumesponde at magkaloob ng ayuda sa Indonesia matapos tamaan ng malakas na pagyanig

Handa ang pamahalaang Pilipinas na rumesponde at magbigay ng maaaring maibigay na ayuda sa Indonesia.

Ito ang naging pahayag ng Palasyo ng Malacañang kaugnay ng 7.4 na lakas na lindol at tsunami na tumama sa Central Sulawesi nitong nakaraang Biyernes.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tutulong ang ating gobyerno sa anumang posibleng kaparaanan kaugnay ng nangyaring kalamidad sa kalapit na bansa na kung saan, nasa mahigit na 800 na umano ang naitatalang nasawi.

Kasabay nito’y inihayag ni Roque na kasama rin ang mga Pilipino sa mga nananalangin para sa mga nasawing indibidwal kasunod ng napakalakas na pagyanig sa Indonesia.

Kaugnay nito’y wala namang naiulat na napahamak na sinumang Pinoy sa Indonesia ayon sa Palasyo batay na rin sa ulat sa kanila ng Department of Foreign Affairs (DFA).  | ulat ni Alvin Baltazar