Pamahalaan, malaki ang matitipid sa ‘swab-upon-arrival’ policy ayon kay Sen. Joel Villanueva

Iginit ni Senador Joel Villanueva na malaki ang matitipid ng pamahalaan kung ipapatupad sa buong bansa ang ‘swab-upon-arrival’ policy ng Cebu sa mga dumadating sa mga international airports nito.

Ang ‘swab-upon-arrival’ policy ay isang uri ng health checkpoint kung saan hindi na pagdadaanan ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang matagal na quarantine period kung negatibo naman sila sa swab test pagdating. 

Paliwanag ni Villanueva, kapag ipinatupad ito ay mas magiging maikli ang pananatili ng mga OFWs sa mga hotel na accredited quarantine facilities.

Aniya, sa ngayon ay ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang gumagastos sa itinakdang 10 araw na quarantine period ng mga dumadating na OFWs sa isang hotel at sa isang araw, tinatayang nasa 10,000 OFWs aniya ang nasa 114 na mga hotel.

Pinaalala pa ng senador na nitong Marso ay nagbabala na ang OWWA na mauubos na nito ang P6.2 billion na pondo nito ngayong taon para lamang sa limang buwang gastos sa mga OFW na nagbabalik-bansa.

Bukod dito, makatwiran at science-based pa aniya ang patakarang ito. Makakatipid rin daw maging ang mga OFWs sa oras at pera na mas mainam na gamitin sa kanilang mga pamilya.