Pamahalaan, handang maglaan ng budget para sa Bahay PAGASA 

Ginarantiya ng Malacañang na sapat ang suportang maaaring ipagkaloob sa Bahay PAGASA, kung saan dinadala ang mga menor de edad na nakakagawa ng paglabag sa batas.

Ito ang tugon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa pangamba ni Senador Bam Aquino, na walang kakayahan ang Bahay PAGASA upang tumanggap ng mga batang masasangkot sa krimen.

Lumalabas na isa ito sa mga dahilan kung bakit tutol ang mambabatas sa panukalang ibaba ang age of criminal responsibility sa Pilipinas.

Madali lang daw solusyunan ang naturang problema ani Panelo, gayung maaari naman daw itong lagyan ng kaukulang pondo.

Muli namang binigyang diin ni Panelo, na desidido ang Pangulong Rodrigo Duterte na bigatan ang pananagutan ng magulang ng mga batang nadadawit sa krimen.

Maaari aniyang gumawa ng hakbang ang Kongreso para mailakip sa panukalang batas, na sa sandaling mapatunayang may pagkukulang ang mga magulang sa pagdidisplina ay maaari rin silang patawan ng kaparusahan. | ulat ni Alvin Baltazar