PH gov’t, gumagawa ng hakbang para mapigilan ang pagsasara ng ilang negosyo

Ikinakasa na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapatupad ng isang programa na tutulong sa mga negosyante para makabawi at makabangon sa mga nalugi nitong kita dulot ng krisis dahil sa COVID-19.

Sinabi ni Inter-Agency Task Force (IATF) Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na ngayon pa lang ay inihahanda na ng DTI ang Enterprise Rehabilitation Financing Program o ERF.

Inihayag ni Nograles na isang bilyong piso ang inihandang pondo para dito ng gobyerno na ang layunin ay matulungan ang mga bumagsak na negosyo sa paraang sila ay makapagsimula muli.

Layunin din ng naturang programa ayon kay Nograles na maagapang magsara ang isang negosyo at mapangalagaan ng isang trader na tuluyang mawala ang kanyang business assets.

Ikakasa ang  Enterprise Rehabilitation Financing Program o ERF sa sandaling tanggalin na ang quarantine restrictions.