Pamahalaan, ginagawa ang lahat ng paraan para makasabay ang PH sa bilis ng oil exploration ng mga kalapit bansa

Aminado ang Department of Energy (DOE) na bahagyang mabagal ang Pilipinas sa aspeto ng offshore energy exploration kung ikukumpara sa mga kapitbahay nating bansa tulad ng Malaysia at Indonesia.

Ito ang dahilan ayon kay Energy Assistant Secretary Bodie Pulido, kung bakit nais ni Energy Secretary Alfonso Cusi na bigyang prayoridad ang mga kumpaniya na mayroong technical capabilities sa pagsasagawa ng oil exploration.

Ayon kay Pulido, noong mga nakaraang administrasyon kasi, mas naka-focus sila sa kakayahang pinansyal ng mga kumpaniya.

Ngayong mas tututukan nila ang teknikal na aspeto, masasala aniya ang mga kumpaniya at matitiyak na tanging ang mga seryoso at talagang may kakayahan lamang ang mapapabilang sa oil exploration, nang magkaroon ito ng resulta.

Sa kasalukuyan, habang isinasapinal ang desisyon ng DOE kaugnay sa mga kumpaniyang mapapabilang sa oil exploration, inaantay rin nilang maisapinal ang isang pormal na dokumento kasama ang Bangsamoro Automous Region in Muslim Mindanao (BARMM), maaaring MOA o joint circular, para sa mga lugar na sakop nito na kabilang sa oil exploration.