Pamahalaan, ‘di na kailangang humingi ng tulong sa ibang bansa kontra terorismo – Malacañang

Hindi na kailangan pang humingi ng tulong ng Pilipinas mula sa ibang mga bansa kaugnay sa laban ng pamahalaan kontra terorismo.

Ito, ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, ay dahil kusa nang nagpahayag ng suporta ang ilang mga bansa, tulad ng UK, Canada, US, China at Russia, upang tumulong sa Pilipinas.

Aniya, magiging bukas ang pamahalaan sa kahit anong porma ng suporta na magmumula sa mga ito, mapa-intelligence man o mga kagamitan na tutulong sa bansa upang matuldukan ang terorismo.

Kaugnay nito, tiniyak ni Panelo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya, upang tugisin ang mga nasa likod ng mga pagpapasabog sa Jolo, Sulu at Zamboanga City.  | ulat ni Racquel Bayan