Palasyo, di makikialam sa desisyon ng korte sa hiling na furlough ni Sen. De Lima

Tumanggi nang magkomento ang Palasyo kaugnay sa hiling na furlough ni Senator Leila de Lima upang payagan ito ng korte na bisitahin ang may sakit na ina.

Ito ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ay dahil baka ma-misinterpret pa kung magku-komento sila sa naturang usapin.

Makabubuti aniya na ipaubaya na lamang sa korte ang pagdedesisyon sa hiling na ito ng senator, dahil ang korte naman aniya ang may hawak sa kaso nito.

Muli ring iginiit ni Panelo, na hindi nakikialam ang Palasyo sa trabaho o desisyon ng korte sa anumang kaso.

Matatandaan na noong Biyernes, naghain ng very urgent motion for furlough si Senator Leila de Lima upang mabisita nito ang 86-year old na ina na nananatili sa ospital sa Iriga City, Camarines, Sur.

Una na ring sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, na hindi tututulan ng Department of Justice (DOJ) ang kahilingang ito ng senator.