Paliligo sa Manila Bay, hindi pa aprubado ng DOH

Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko hinggil sa paliligo sa bagong linis na Manila Bay.

Ayon kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo, kinakailangan pang sumailalim sa test ang kalidad ng tubig sa Manila Bay bago ito masabing ligtas para paliguan.

Aniya, magbabase sila sa resulta ng laboratory test kung saan makikita ang coliform level, at kung ito ba ay nasa katanggap-tanggap na antas para sa tao.

Matagal nang pinapaalalahanan ng DOH ang publiko na huwag maligo sa Manila Bay dahil sa polluted na tubig nito kung saan maaaring makakuha ng sakit gaya ng diarrhea, cholera, typhoid, dysentery, iba’t ibang uri ng skin diseases, at impeksyon sa mata.

Matatandaang marami na naman ang nagbabalak na lumangoy sa Manila Bay matapos itong malinis at matanggalan ng basura dahil sa ginawang massive clean-up noong isang linggo.  | ulat ni Lorenz Tanjoco