Palay ng mga magsasaka, bibilhin ng gobyerno – PRRD

Naglatag ng kondisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na magsasaka sa gitna ng pagpayag nitong bilhin na ng National Food Authority ang lahat ng kanilang palay.

Kondisyon ng Pangulo, dapat lang na maging patas ang itatakdang presyo ng mga local farmers para sa pagbebenta ng kanilang palay.

Pagtiyak din naman ng Chief Executive sa hanay ng mga magsasaka, hindi masasayang ang kanilang pagod at babayaran sila ng tama ng gobyerno o sa halagang reasonable.

Kailangan aniyang ito’y mapagkasunduan ng dalawang partido at mula duon ay magkaruon ng kompromiso sa hanay ng pamahalaan at ng mga magsasaka.

Tiyak aniyang hindi papayag si Agriculture Secretary William Dar, kung maaagrabyado naman ang gobyerno at siguradong hindi ito papasok sa isang agreement na kung saan ang presyo ng mga bibilhing palay ay lalabas na unreasonable.