Palasyo, walang kamay sa ginawang pag-aresto sa grupo nina dating Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo

Binigyang-diin ngayon ng Malacañang, na walang anumang panghihimasok itong ginawa sa kasalukuyang sitwasyon nina dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo at ACT Teacher’s party-list Representative France Castro.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, simula’t sapul ay hindi naman nakiki-alam ang Palasyo sa alinmang sangay ng pamahalaan kung ano ang dapat nilang gawin.

Sabi ni Panelo, may kani-kanyang trabaho ang bawat departamento at hindi ito kailanman pinanghimasukan ng Palasyo.

Dagdag ni Panelo, na may mga nag-iisip na may kamay ang Malacañang sa ginawang pagdakip sa grupo nina Ocampo at pagsasampa dito ng asunto.

Kaugnay nito’y dinepensahan naman ng Malacañang ang Philippine National Police (PNP) sa pangyayari, gayung ginawa lamang nito ang kanilang trabaho at iyon ay ang ipatupad ang batas habang nasa hurisdiksiyon na ng piskalya kung may probable cause o wala sa inihaing reklamo kina Ocampo.  | ulat ni Alvin Baltazar