Palasyo: Wala pang nagsampa ng reklamo sa bansa kaugnay ng pang-aabuso sa Chinese workers

Hindi sa Pilipinas isinampa ang reklamo kaugnay sa umano’y pang-aabuso at di tamang pagtrato sa mga Chinese worker na nagta- trabaho dito sa Pilipinas.

Ito ang tugon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, makaraang sabihin ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Xianhua na nagsampa na sila ng mga reklamo kaugnay dito.

Ayon kay Panelo, ang tinutukoy marahil ni Zhao ay ang reklamong isinampa nila sa kanilang gobyerno laban sa mga Chinese na lumabag sa kanilang panuntunan. Dahil hanggang sa kasalukuyan ay wala pa naman natatanggap na pormal na reklamo ang pamahalaan.

Muli namang iginiit ng kalihim ang kahalagahan ng pagsampa ng reklamo ng mga ito dito sa bansa, upang malaman ng pamahalaan kung sa papaanong paraan ito tutugunan.

Matatandaan na nananawagan ang China sa Pilipinas, na gawan ng paraan upang mahinto ang illegal hiring ng mga Chinese worker sa POGO operations sa bansa.

Marami na kasi anila ang mga Chinese na iligal na nagtatrabaho sa industriyang ito ang nakakaranas ng umano’y ‘modern slavery’.

Kinukuha umano ng mga Filipino employer ang kanilang passport, habang ang iba naman ay naka- confine na tumira at magtrabaho sa mga designated places, at nagiging subject ng extorition, physical abuse at di magandang pagtrato.