Palasyo, wala pang ideya kung sinu-sino ang posibleng mapasama sa listahan ng JBC bilang mga kandidatong susunod na maging punong mahistrado ng Korte Suprema

Wala pang ideya ang Palasyo kung sinu-sino ang posibleng mapasama sa shortlist na maaaring pumalit kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, Judicial and Bar Council (JBC) ang magsusumite ng mga pangalan kay Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng maging susunod na mahistrado ng Korte Suprema.

Mula sa isusumiteng shortlist ng JBC, pipili ang Pangulo ng sa tingin niya’y karapat -dapat na humalili kay Sereno bilang Chief Justice ng Kataas-taasang Hukuman.

Sakali namang walang magustuhan ang Pangulo sa isinumite sa kanyang listahan, maaari aniyang magrekomenda ang Presidente ng pangalan para makabilang sa listahan ng JBC.

Kasunod ng pagsasapubliko sa botong 8-6 ng mga mahistrado ng Supreme Court, nagbigay na ang SC ng kautusan sa JBC na bilisan na ang proseso sa nominasyon ng magiging bagong chief justice. | ulat ni Alvin Baltazar