Palasyo, umapelang hintayin ang resulta ng imbestigasyon sa pagkakapaslang kay Tanauan Mayor Halili at iwasan ang mga haka-haka

Wala pa ring hawak na matibay na basehan ang mga autoridad kung ano ang naging ugat ng pagkakapaslang kay Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa harap ng iba’t ibang motibo na lumulutang kaugnay ng pagkakapaslang sa alkalde.

Apela ni Roque, hayaan munang gumulong ang imbestigasyon na kasalukuyan nang nakakasa at mula doo’y matutumbok ang tunay na motibo ng pangyayari.

Hindi naman aniya patas na ikabit kaagad ang pagkakasama ng pangalan ng alkalde sa narco list bilang rason sa naging pagkamatay nito.

Sa hanay ng Philippine National Police (PNP), sinabi ng PNP chief kanina na hindi maiaalis na may kaugnayan din sa ‘walk of shame campaign’ ng napaslang na local chief executive ang krimen. | ulat ni Alvin Baltazar