Palasyo, umalma sa naging hakbang ng ICC prosecutor na idulog na sa pre-trial chamber ng ICC para maimbestigahan si Pres. Duterte sa reklamong crime vs humanity

Pumalag ang MalacaƱang sa naging hakbang ni International Criminal Court (ICC) Prosecutor Fatou Bensouda na i-akyat na sa pre-trial chamber ng ICC ang crime vs humanity na isinampa kontra kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, maling-mali ang naging hakbang ni Bensouda matapos na magkaroon na ito ng konklusyon sa ginawa nitong preliminary investigation sa umano’y crime against humanity.

Legally eroneous at politically motivated ani Roque ang hakbang na magsagawa na ng pormal na imbestigasyon sa akusasyon laban sa Pangulo gayung wala naman aniyang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas lalo’t hindi nga miyembro ang bansa sa ICC.

Dagdag ni Roque na hindi nangangailangang manghimasok ng mga dayuhan sa usaping ito gayung gumagana naman aniya ang justice system sa Pilipinas.

Dapat din aniyang mapansin kung sino-sino ang nasa likod ng reklamong isinampa sa International Criminal Court na kung saan ang isa dito’y nag-aambisyon pa nga ngayong maging Pangulo ng Republika.

Sa harap nito’y inihayag ng tagapagsalita ng Pangulo na kumpiyansa silang hindi papasa sa pre-trial chamber ang hinihirit ni Bensouda na formal investigation at ire-reject din ito.

Sa harap nito’y wala aniya kooperasyong makukuha ang ICC sa bansa at ang tanging ebidensiya lang aniyang makukuha nito ay mula sa makakaliwa na siyang kalaban ng estado.