Palasyo, tiwalang mababasura ang mga impeachment complaint na isasampa sa Pangulo dahil sa usapin sa WPS

Tiwala ang Malaca├▒ang na mababasura lamang ang anomang impeachment complaint na posibleng isampa laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay sa mga naging pahayag nito sa issue ng territorial dispute sa South China Sea.

Ito, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ay dahil sa ‘numbers game’ ang isang impeachement trial, at sa kasalukuyan, kaalyado ng Pangulo ang super majority sa Kongreso.

Sinabi pa ni Panelo na marami sa mga mambabatas ngayon ay humahanga at buo ang suporta sa mga ginagawa ng Pangulo.

Bukod dito, tiwala rin ang Pangulo na wala siyang ginagawang unconstitutional, dahil trabaho niya na protektahan ang bansa at ang mamamayan, alinsunod sa saligang batas.

Matatandaang kagabi, hinamon ni Pangulong Duterte ang kaniyang mga kritiko na magsampa ng impeachment complaint laban sa kaniya, kung naniniwala ang mga ito na mayroong siyang nalabag na batas sa mga naging hakbang at pahayag nito, kaugnay sa usapin sa West Philippine Sea. | ulat ni Raquel Bayan