Palasyo, tiwala pa rin kay Gen. Albayalde sa kabila ng pagbibitiw bilang chief PNP

Nananatili ang posisyon ng Palasyo na ikokonsidera nilang inosente si General Oscar Albayalde sa mga alegasyong ibinabato sa kanya, hangga’t hindi ito napapatunayang may sala.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kasunod na rin ng anunsyo ni Albayalde kaninang umaga, na pagre-resign bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Panelo, tulad ng laging sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, hangga’t walang solidong ebidensya at hindi napapatunayang sangkot si Albayalde sa mga alegasyong ito, ay mananatili itong inosente.

Sinabi rin ng Palasyo, na nirerespeto nila ang desisyong ito ni Albayalde.

Sa imbestigasyon naman sa Senado kaugnay sa ninja cops, sinabi ni Panelo, na bagama’t may kapangyarihan at tungkulin naman talaga ang senado upang mag-imbestiga, hindi aniya angkop ang pag-aassume ng ilang senador na guilty ang inaakusahan at matibay ang mga ebidensya laban dito.

Dapat aniya ay hintayin munang matapos ang imbestigasyon, saka sila gumawa ng rekomendasyon.