Palasyo, tiniyak na tututukan ang kaso ng pagkamatay ng isang OFW sa Saudi Arabia noong 2016

Tiniyak ng MalacaƱang na bubusisiin ng pamahalaan ang kaso ng pagkamatay ng isang OFW sa Saudi Arabia.

Ayon kay Special Assistant to the President Secretary Christopher “Bong” Go, sisiguruhin ng pamahalaan na maibibigay ang hustisya sa pamilya ng OFW na si Ronald Jumamoy na nasawi noon pang 2016 sa Riyadh, Saudi Arabia.

Nitong weekend, muling inapela ng pamilya ni Jumamoy ang kaso nito kina Labor Secretary Silvestre Bello III, SAP Bong Go at Labor Attache Nasser Mustafa.

Kabilang aniya sa mga sisilipin ay ang sinasabing pagpapabaya ng ilang opisyal ng gobyerno sa pag-aasiste at pagbibigay ng tulong sa pamilya.

Nitong Sabado rin ay personal na nakaharap ng Pangulong Rodrigo Duterte ang OFW na si Pahima Alagasi na nakauwi na sa bansa matapos ang apat na taon ring kalbaryo mula sa pang-aabuso ng kanyang amo sa Saudi Arabia.

Dito ay tiniyak ng Pangulo na hindi lang ang problema ng mga OFW sa Kuwait ang tutugunan ng pamahalaan.

Gagawin aniya ng gobyerno ang lahat para matulungan ang mga OFW sa Middle East na biktima ng pang-aabuso ng kanilang mga employer.

Pinaalalahanan rin ng Pangulo ang mga Pilipino na mag-ingat sa pananatili sa ibang bansa dahil iba ang kultura at batas sa labas ng Pilipinas.

Kasabay nito ay hinimok ng Pangulong Duterte ang mga Filipino Muslim na nasa mga Islamic State na tumulong sa pagpoprotekta sa pagkatao at dignidad ng kanilang kapwa Pilipino. | via Nimfa Mae Asuncion