Palasyo, tiniyak na magiging tuloy-tuloy ang infra-projects ng pamahalaan kahit umiral na ang election ban

Hindi hadlang ang inaasahang pagsapit ng election ban para mahinto na ang malalaking public works projects ng gobyerno.

Ito ang tiniyak ng Palasyo sa kabila ng hindi na maaari pang maglabas ng anomang pondo ng pamahalaan kapag umiral na ang election period.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mahalaga naman ay nai-commit na ang pondo para sa isang specific project bago pa sumapit ang election ban.

Ibig sabihin ani Roque ay nai-bid out na ang proyekto kayat kahit panahon na ng eleksyon ay magiging tuloy-tuloy pa rin ang gawain sa infrastructure projects ng gobyerno.

Sa katunayan, sabi ni Roque, ay isang taon bago ang proyekto ay ginagawa na ang bidding na siyang patakaran noon pa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).