Palasyo, tiniyak na iniimbestigahan na ng gobyerno ang posibleng pananagutan ng piloto ng Xiamen Air

Siniguro ng Malacañang na may mananagot sa ilang araw na perwisyong idinulot ng pagsadsad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) runway ng isang eroplano ng Xiamen Air.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi lang basta apology ang dapat na ibigay ng Xiamen Air dahil libu-libong mga pasahero ang naabala nila kabilang na siya.

Iniimbestigahan na aniya ng pamahalaan ang naturang insidente para matukoy kung may pananagutan ang piloto ng eroplano ng Xiamen na sa ngayon ay hindi pa rin pinapayagang umalis ng bansa.

Kabilang sa mga tinitingnang posibilidad ay ang pagsasampa ng kasong administratibo, sibil o kriminal laban sa piloto.

Tiniyak naman ng Palasyo na may mga ginagawa ng paraan ang gobyerno para hindi na maulit muli ang naranasang matinding congestion sa NAIA dulot ng insidente.

Kabilang sa mga gagawin ay ang pagdadagdag ng runway at terminal building sa NAIA, pagpapalawak sa Clark International Aiport at pagtatayo ng bagong aiport sa Bulacan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion