Palasyo, tiniyak na hindi maaapektuhan ang produksyon ng tatlong oil mills kasunod ng nangyaring mass resignation sa CIIF

Tinanggap na ng Palasyo ang pagbibitiw ng 12 opisyales ng Coconut Industry Investment Fund – Oil Mills Group.

Kaugnay nito’y nilinaw ni Executive Secretary Salvador Medialdea na kusang loob ng 12 ang paghahain ng resignation at hindi sila pinagbitiw.

Kahapon napag-alamang naghain ng kanilang resignation ang nabanggit na mga opisyal ng CIIF na napag-alamang nasa hold-over capacity na lamang pala gayung June 2017 pa natapos ang kanilang termino.

Ang pagbibitiw ay bilang protesta na din umano sa pagkakatalaga kay Board Member Rehan Lao bilang bagong Presidente ng CIIF gayung may kaso umano ito sa Ombudsman.

Nakatakda namang mag-isyu ng appointment paper ang Malacañang para sa mga itatalagang pupuno sa mga nabakanteng pwesto kasunod ng pagbibitiw ng 12 opisyales ng Coconut Industry Investment Fund – Oil Mills Group.  | ulat ni Alvin Baltazar