Palasyo, tiniyak na di pababayaan ng pamahalaan ang mga Pilipino sa Israel

Tiniyak ng Palasyo na hindi pababayaan ng pamahalaan ang daan-daang pamilyang Pilipino sa Israel na nanganganib na ipa – deport dahil sa residency status.

Sa ilalim kasi ng Israeli regulations, ang mga babaeng foreign worker na magdadalang tao ay kailangang iuwi ang kanilang mga anak sa kanilang bansa, isang kondisyon para sa renewal ng kanilang visa. Karamihan sa mga dahuyan ay bigong masunod ang patakarang ito.

Tinatayang aabot sa 28,000 Filipinos ang nagtatrabaho sa Israel bilang caregivers at domestic helpers. Base sa ulat ng United Children of Israel (UCI) Association nasa 600 pamilya ang maaaring ma- deport dahil sa kawalan ng residency status.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, may ginagawa ng hakbang si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin kaugnay sa nasabing usapin, at hindi papabayaan ang mga Pilipinong ito.