Palasyo, tiniyak ang buong suporta sa mga hakbangin ni Tourism Secretary Berna Puyat kabilang na ang pagpapabitiw sa mga USec at ASec sa ahensiya

Buo ang suporta ng Palasyo sa mga hakbangin ni Department of Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat na ipinatutupad nito sa ahensiya.
 
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay in full trust and confidence kay Puyat sa gitna na rin ng mga inilalatag nitong pagbabago sa Tourism department.
 
May kalayaan ani Roque si Secretary Puyat na buuin nito ang kanyang sariling management team sa kanyang pinamumunuang tanggapan lalo na’t ang bilin sa kanya ng Pangulo ay gawin lang ang tama sa ahensiya.
 
Isa sa mga sinusuportahan ani Roque ng Malacañang ay ang itinakdang deadline ngayong araw ni Puyat para sa kanyang mga assistant at undersecretaries para makapaghain na ng kanilang resignation.
 
Batay sa una ng inilabas na memorandum, inaatasan ang lahat ng ASec at USec ng DOT na magsumite ng kanilang courtesy resignations sa pagitan ng Mayo 15 hanggang ngayong araw na ito, Mayo 21. | via Alvin Baltazar