Palasyo, suportado ang planong senate probe sa napaulat na paglaya ni Ex-Mayor Sanchez

Pabor ang Malacañang sa ikinakasang imbestigasyon ni Senador Franklin Drilon na naglalayong mabusisi ang una ng lumutang na ulat hinggil sa napipintong paglaya ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, dapat lang na masilip partikular ang kuwalipikasyon ng sinomang nahatulang nagkasala sa batas na dapat na magbenepisyo sa Republic Act 10592.

Pagbibigay diin ni Panelo, walang dahilan para makabilang ang isang convicted criminal kung hindi ito nakatugon sa terms and conditions na itinatakda ng naturang batas.

Dapat aniyang maging masusi ang mga kinauukulan sa pagtingin sa kanilang record book, at mula duo’y madetermina kung sino ang eligible o karapat-dapat na mga bilanggong mapagkalooban ng kalayaan.

Inaasahang sesentro ang senate investigation sa computation ng Board of Pardons and Parole o BPP, para mapalaya ang isang convicted criminal ganundin sa kung naipatutupad ba ng tama ang RA 10592.