Palasyo sa publiko: Huwag ng makipagmatigasan sa ipinatutupad na evacuation efforts ng LGUs


Nananawagan ang Palasyo sa publiko, partikular sa mga residente mula sa mga lugar na direkang tatamaan ng bagyong Rolly, na makinig sa instruction ng kanilang mga local official at huwag ng makipagmatigasan pa sa mga ipinatutupad na evacuation efforts.

Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng mga impormasyon na mayroon pa ring mga residente ang ayaw iwan ang kanilang mga tahanan kahit pa malakas na ang nararanasang pag-ulan at pagbayo ng hangin sa kanilang mga lugar.

Ayon kay Secretary Roque, maaaring magpatupad ng forced evacuation ang mga otoridad lalo at para naman ito sa kanilang kapakanan.

Sinigundahan naman ito ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, at sinabi na forced evacuation na ang ipinatutupad ng pamahalaan.

Huwag na aniyang tumanggi pa sa mga kinauukulan, dahil hindi na aniya uubra ang pakiusapanan sa kasalukuyan.

Binigyang diin ni Secretary Año, na kailangang matiyak ng pamahalaan ang seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino, lalo at madali naman aniyang ibalik ang mga evacuee sa kanilang mga tahanan pagkatapos ng bagyo.