Palasyo sa mga nagpaplanong patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte, maghintay na lang ng eleksyon

“Maghintay kayo ng eleksiyon kung nais ninyong palitan ang Presidente.”

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa gitna na rin ng lumulutang na isyu ng destabilisasyon at umano’y pagpapataksik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa poder ng kapangyarihan.

Pahayag ni Roque, maaaring ang Pangulo na ang pinakamasahol na Presidente sa iba pero mayroon pang hanggang 2022 si Pangulong Duterte batay na rin sa itinatakda ng Konstitusyon.

Kontrata aniya ito sa pagitan ng gobyerno at ng sambayanan na kailangang irespeto lalo’t hindi makukuwestiyon ang pagkapanalo ng Pangulong Duterte na milyun-milyon ang naging lamang sa mga nakalabang kandidato sa pagka-pangulo.

Kahapon ay kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang banta ng planong pagpapatalsik kay Pangulong Duterte na ibinase ng militar sa mga dokumentong nakuha nito mula sa mga nagsisukong miyembro ng NPA. | ulat ni Alvin Baltazar