Palasyo, positibo sa magandang development ng tatlong diplomat ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait na nahaharap sa kasong kidnapping dahil sa nag-viral na rescue operation

Bukod sa napalaya ng apat na Pinoy drivers na una ng nakulong dahil sa kontrobersiyal na rescue video sa Kuwait, isa pang positibong development ang inaasahan ng delegasyon ng Pilipinas para naman sa tatlong Pilipinong diplomat na naiipit sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa Ministry of Interior ng Kuwait at mukhang may magandang balita namang naghihintay para sa tatlong diplomats na una ng napabalitang aasuntuhin ng kidnapping.

Sa panig naman ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, biniro pa nga nito si Roque na hindi ito makakauwi ng Pilipinas kung hindi rin lang maisasabay pauwi ang tatlong diplomat.

Mayo 11 ang petsa ng pag-uwi nina Roque at Bello kung saan kasabay nitong babalik ng bansa ang may isang daan at limampung (150) mga undocumented Pinoy workes.

Anim na daan (600) ang kabuuang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) na makakauwi na sa Pilipinas na napag-alamang sasagutin na ng pamahalaang Kuwait ang gastusin kasunod ng naging pagpupulong ng delegasyon ng bansa sa Ministry of Interior ng Kuwait. | via Alvin Baltazar