Palasyo, posibleng maituring na kiss of death ang endorsement ni Gen. Albayalde

Maitururing ngang isang kiss of death sa sinomang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na mai-endorso ni General Oscar Albayalde para maging kanyang successor.

Ito ang tahasang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, sa gitna ng ginagawang pag-abang ng publiko sa kung sino ang magiging susunod na hepe ng Pambansang Pulisya.

Sinabi ni Panelo, na malamang sa hindi na mismong ang Commander in Chief na siyang may appointing power, ay umayaw sa sinomang irerekomenda ng isang opisyal na pumalit sa kanya lalo’t baka napaniwala ito sa mga akusasyong ibinabato sa outgoing government official.

Natural lang naman ito ayon kay Panelo at logical, sa gitna ng kontrobersiyang bumabalot kay Albayalde na nakakaladkad sa usapin ng ninja cops.

Sa ngayon, ay tatlong pangalan ng top officials ng Philippine National Police ang sinasabing naisumite na kay Pangulong Rodrigo Duterte na maaari nitong pagpilian kapalit ni Albayalde.

Inaasahan namang magiging mapanuri ang Pangulo, sa kung sino ang kanyang itatalaga sa top PNP post lalo’t nabanggit nito kamakailan, na ayaw na niyang madapa sa paghirang ng sinomang magiging opisyal ng pamahalaan.