Palasyo, pinayuhan si US Senator Leahy na magfocus na lang sa issues sa kanilang bansa

Pinapayuhan ng Palasyo si US Senator Patrick Leahy na tutukan na lamang ang mga isyu sa Estados Unidos kaysa makialam sa concern ng hiwalay at independent na bansa.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kasunod ng pinakahuling pahayag ng US senator na kung talaga raw na matibay ang ebidensya laban kay Senator Leila de Lima, dapat lamang na magsagawa ng patas na public trial at due process para sa kaso ng senator.

Ayon kay Panelo, ang pahayag na ito ng senador ay naggigiit lamang ng pagiging ignorante nito sa procedures ng bansa at pagsasalita ng mga walang katuturang bagay na ibina-base aniya sa pahayag ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Panelo, hindi naman niya sinabi na mayroong matibay na ebidensya ang gobyerno laban sa senator. Ang sinabi lamang niya ay kinakitaan ng proteksyon ng probable cause ang mga inihaing ebidensya kaya’t nakapaglabas ng warrant of arrest ang korte.

Bukod dito, sumasailalim naman aniya sa patas na public trial at due process ang senator.

Sinabi ng kalihim na ang US Senator ang siyang gumagawa ng hakbang upang ilabas ang kaso ni Senator de Lìma sa legal na proseso ng Pilipinas at ilagay ito sa isang posisyon laban sa mga opisyal ng bansa.

Ang mga aksyon aniya ni Leahy ay panghihimasok sa due process ng bansa, partikular sa mga Pilipino, na sinasabi ng US senator na kaniya raw isinusulong.