Palasyo, pinauubaya na sa PDEA ang paglalantad sa pangalan ng mga pulitiko at artistang parokyano umano ng Indian national na nahulihan ng iligal na droga sa Muntinlupa

Ipinauubaya na ng Palasyo sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang paglalantad sa pagkakakilanlan ng mga pulitiko na sinasabing parokyano ng Indian national na nahulihan ng operatiba ng ahensiya ng isang milyong pisong halaga ng iligal na droga sa Muntinlupa noong nakaraang Huwebes.

Sa cellphone kasi na kasamang nasamsam ng PDEA agents sa nasabing drug operation, nadiskubre umano ang mga pangalan ng pulitiko na ka-transaksiyon ng nasakoteng suspek na kinilalang si Rajiv Gidwani at Pinoy na kasama nitong si Jeremiah Alero Carillo sa Alabang Hills Village, Cupang, Muntinlupa.

Bukod sa mga pulitiko, sinasabing kasama rin sa nakitang katransaksiyon ng dalawang drug suspect ay mga artista at anak ng ilang mga prominenteng tao.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, PDEA na ang bahala sa pagsasapubliko ng mga pangalang nakita sa kontak ng natiklong mga suspek, gayung tiyak aniyang may ginagawa nang beripikasyon dito ang ahensiya.

Hindi na bago pa sa PDEA ani Roque, ang paglalantad ng mga indibidwal na sangkot sa iligal na droga na kanila ng ginawa bago mag-barangay election. | ulat ni Alvin Baltazar