Palasyo, pinasalamatan ang Kongreso sa inisyatibo nitong makatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng Bayanihan-3

Nagpaabot ng pasasalamat ang Malakanyang sa hakbang ng Mababang Kapulungan upang isulong ang Bayanihan 3.

Ito, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ay sa harap ng pagsisikap ng pamahalaan na mas mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya mula sa pagkakadapa bunsod ng pandemya.

Sinabi ni Roque na bukod sa isinusulong sa Kamara ay naririyan din aniya ang mga hakbang para muling mapasigla ang ekonomiya gaya ng unti- unting pagbubukas ng negosyo at cash for work program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Naririyan din ani Roque ang pautang na ibinibigay ng Department of Trade and Industry (DTI), ng Small Business Corporation at ng Department of Finance.

Ang nabanggit na mga programa sabi ni Roque ay bilang tugon na din sa pahayag ng Asian Development Bank na habang gumugulong na ang vaccine rollout ay kailangang nagpapatupad na din ang bansa ng mga reporma para sa pagbangon ng ekonomiya.