Palasyo, pinakikilos ang DOJ para ibalik sa Bilibid ang mga nabigyan ng GCTA na hindi kuwalipikado

Inatasan ng Malacañang ang Department of Justice (DOJ) na pag- aralan ang posibilidad na maibalik sa kulungan ang mga presong pinalaya sa Bilibid, dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), subalit hindi naman pala kuwalipikadong makalaya dahil sa mga karumaldumal na krimen na kinasangkutan ng mga ito.

Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, na kanilang binibigyang bigat ang isang kasong pinasyahan noon ng Supreme Court na muling arestuhin ang isang pinalayang bilanggo na pinalabas ng kulungan dahil sa GCTA.

Ayon kay Panelo, maaari itong gawing basehan para maibalik ang mga presong nakabenepisyo sa RA 10592 pero ineligible pala, at walang karapatang gawaran ng kalayaan sa ilalim ng GCTA.

Maaari din aniyang gamiting dahilan sa pagbabalik loob kontra sa mga nabigyan ng layang presong nahatulan dahil sa heinous crime ang Article 99 ng Revised Penal Code.

Ito ay ang probisyong nagsasabing maaaring maibalik sa kulungan ang nakinabang sa GCTA, matapos madiskubreng hindi pala karapat-dapat na lumaya.

Ang hakbang ay sa gitna na rin ayon kay Panelo, nang paninindigan ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat mangibabaw ang kawalang katarungan para sa ating mamamayan.