Palasyo: Non-working holiday rin ang Enero 21 sa Lipa City, Batangas

Hindi lang sa tatlong lugar sa Mindanao nagdeklara ng holiday sa Enero 21.

Sa ipinalabas na Proclamation 654 ng Palasyo, nagdeklara rin na walang pasok o special non-working holiday sa Lipa City, Batangas.

Nakapaloob sa nilagdaang proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na marapat lamang bigyan ng pagkakataon ang mga residente ng Lipa na makilahok sa “Makalanyog Festival”, bilang pasasalamat sa masaganang ani ng mais, kape, lanzones at niyog.

Samantala, idineklara ring special non-working holiday sa parehong araw, Enero 21, sa Pagadian City at Zamboanga del Sur, para naman sa pagdiriwang ng ika-19 na “Pasalamat Festival” bilang pagkilala sa kanilang patrong Sto. Niño.

Una nang idineklara ng Malacañang bilang special non-working day sa parehong araw, Enero 21 sa ARMM, Cotabato City at Isabela City, Basilan, para bigyang daan ang maayos na pagsasagawa ng Commission on Elections (Comelec) ng plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL). | ulat ni Alvin Baltazar