Palasyo, nilinaw na sa anibersaryo ng liberasyon ng Marawi muling bibisita si Pangulong Duterte sa siyudad at hindi sa paggunita ng Marawi siege

Nilinaw ngayon ng MalacaƱang na hindi sa panahong ito na unang anibersaryo ng Marawi siege bibisita ang Pangulo sa Marawi City.

Sa halip, sinabi ni Special Assistant to the President Bong Go na gagawin ng Pangulo ang muling pagtungo sa Marawi sa unang anibersaryo na napalaya ito sa kamay ng mga teroristang Maute-ISIS group.

Oktubre 23 noong nakalipas na taon, eksaktong ika-limang buwan nang mapalaylay ng pwersa ng pamahalaan ang teroristang Maute-ISIS nang mapatay sa operasyon ang mga lider nitong sina Isnilon Hapilon na siya ring tumatayong Emir ng ISIS sa Pilipinas at lider ng Abu Sayyaf group, gayundin si Omar Maute ng Maute terror group.

Ayon kay Go, mas makabuluhan na puntahan ng Pangulo ang araw ng liberasyon ng Marawi dahil ito ang simbolo ng pagbagsak ng pwersa ng mga terorista at tagumpay naman sa panig ng pwersa ng gobyerno.

Umaasa naman si Go na sa pagtungo muli ng Pangulo sa Marawi City sa unang anibersaryo ng liberasyon nito sa Oktubre ngayong taon, nakapagsimula nang muli sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay ang mga residente sa siyudad.

Sa ngayon, sinasabing 70 porsiyento na ng mga residente ang nakabalik na sa Marawi City, habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon sa siyudad. | via Alvin Baltazar