Palasyo, nilinaw na ideya pa lamang ang ‘Duterte death squad’

Nilinaw ngayon ng Malacañang na ideya pa lamang ang ipinahayag kamakailan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang tungkol sa paglikha ng ‘Duterte death squad’ na pantapat sa Sparu unit ng New People’s Army (NPA).

Sa pulong balitaan sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na palutang pa lamang ang nasabing ideya ng Chief Executive sa gitna ng pagnanais nitong mabigyan ng proteksiyon ang mamamayan laban sa grupo ng NPA.

Inihayag ni Panelo na mas maiging hintayin na lang ang susunod na development kasunod ng pinalutang na konspeto ng Pangulo at mula doo’y makabuo ng mekanismo sa paglikha ng DDS.

Tiniyak naman ni Panelo na kung sakali’t matuloy ang ideya tungkol sa squad na tututok sa NPA, siguradong poprotektahan ng pamahalaan ang karapatang pantao.

Ang binibigyang diin ng Pangulo sa pinalutang na DDS, protektahan ang taong bayan laban sa mga panggugulong hinahasik ng grupo ng makakaliwa sa mga inosenteng sibilyan.  | ulat ni Alvin Baltazar