Palasyo, nilinaw ang sinasabing pag-amin ng Pangulo na siya ang nasa likod ng pag-ambush kay dating Mayor Loot

Nag-isyu ng paliwanag ngayon ang Malacañang kasunod ng umano’y naging pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang nasa likod ng pang-aambush noong nagdaang taon kay dating Daanbantayan Mayor Vicente Loot.

Sa statement na inilabas ngayon ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, inihayag nitong mali ang pagkakaunawa ng media sa naturang litanya ng Presidente.

Paliwanag ni Panelo, hindi ganun katatas managalog ang Punong Ehekutibo gayung ito’y tubong Bisaya, dahilan kaya nagkakamali ito sa pagbigkas at pagbuo ng mga pangungusap.

Ang ibig sabihin ani Panelo sa kataga ng Pangulo na ‘pina-ambush na kita’, ay “ inambush ka na ngunit buhay ka pa rin.”

Napakalayo aniyang mabigyan ito ng pakahulugan bilang pag-amin na gumawa ito ng krimen.

Si Loot ang isa sa mga una nang pinangalanan ni Pangulong Duterte na kabilang sa mga umano’y narco-generals na nagsilbing protektor ng mga illegal drug operators.

May 2018 ng tambangan ang dating Alkalde ng Daanbantayan pero nakaligtas habang nasugatan naman ang apat na kasamahan nito.