Palasyo, nauunawaan ang COMELEC at DILG sa paninindigan sa pagsisiwalat at sa aksiyong igagawad sa narco politicians

Hindi masisisi ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kung gumawa man ito ng ilang mga hakbang upang huwag nang panatilihin pa sa posisyon ang mga politikong sangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Ito ang pahayag ng Palasyo sa harap ng ikinakasang pagsusumite ng DILG sa Commission on Elections (Comelec) ng listahan ng mga narco politician sa harap ng posibilidad ng pagkaka-diskwalipika ng mga ito upang makatakbo sa 2019 elections.

Pahayag ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, hindi masisisi ang DILG sa pagnanais nitong ipabatid sa publiko ang estado ng kanilang imbestigasyon kontra sa mga pulitikong dawit sa iligal na droga.

Nauunawaan din naman nila sa kabilang banda ang sitwasyon ng Comelec, na hindi agad makakagawa ng agarang aksiyon upang i-diskwalipika ang isang kandidato, gayung kailangan namang ipatupad nito ang tinatawag na due process.

Kung hindi aniya ipatutupad ng komisyon ang due process, baka naman sa bandang huli ay baka sila ang mabuweltahan at baka makasuhan.

Sa ngayon, hinihintay pa ng DILG ang intelligence report galing sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para maisapinal na ang listahan ng narco politicians na isusumite sa Comelec. | ulat ni Alvin Baltazar