Palasyo, naniniwalang malapit ng makamit ang hustisya sa pagpaslang kay Rep. Batocabe at police escort nito

Positibo ang Malacañang na malapit nang mabigyan ng hustisya ang nangyaring pagpatay kina AKO Bicol Representative Rodel Batocabe at sa security aide nitong si SPO2 Orlando Diaz.

Ito ang inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary  Martin Andanar, kasunod ng pagsasapubliko ng Philippine National Police (PNP) sa artist sketch ng dalawang gunmen bukod pa sa P50-milyong pabuyang nakalaan para sa impormanteng magiging susi sa pagkakahuli ng mga suspek.

Ayon kay Andanar, malaking bagay ang pagpapalabas ng artist sketch gayundin ng reward money na karaniwan na aniyang nagsisilbing susi sa pagkakaaresto ng mga taong may kinalaman sa isang krimen.

Mula dito sinabi ng PCOO chief, ay tiyak aniyang liliit ang mundo ng mga may kinalaman sa krimen, na mabilis ding paraan upang makamit ng mga naiwan nina Batocabe at Diaz ang hustisya.

Kaugnay nito’y una nang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa isang alkalde sa Bicol, na tigilan at iwasan na ang ginagawang pagbabanta sa naulilang pamilya ni Batocabe, dahil kung hindi siya mismo ang pupunta sa bahay nito upang ipahiya ito sa harap ng kanyang pamilya. | ulat ni Alvin Baltazar