Palasyo, nanindigang walang nilabag sa 2019 Proposed Nat’l Budget

Kailanman ay hindi makapapayag ang Palasyo na magkaroon ng anumang paglabag sa isyu ng budget sa harap ng usapin sa umano’y bilyong pisong insertion na naisingit sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ang pahayag ng Malacañang matapos na magisa ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. si DBM Secretary Benjamin Diokno tungkol sa sinasabing P75-billion-peso-insertion para sa public works department.

Pagbibigay-diin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang tanging hangad lamang nila’y mabigyan ng pantay-pantay na oportunidad ang lahat ng distrito at maibigay ang serbisyo sa taongbayan.

Sinabi ni Panelo na kung may pagkakamali man sa isinumiteng panukalang budget, trabaho na ng Kongreso na ito’y ituwid at pag-aralan.

Pero kung pag-uusapan ay intensyong may labagin sa budget, hindi ani Panelo nila kailanman ito mapahihintulutan at ang target lamang aniya ng gobyerno ay ang ihatid ang serbisyo sa taongbayan. | ulat ni Alvin Baltazar