Palasyo, nanawagan sa taong bayan na tutukan ang pagbibigay ng testimonya ni Special Assistant to the President Sec. Bong Go sa Senado kaugnay ng isyu sa frigate contract deal

Hinikyat ng Malacañang ang publiko na subaybayan ang gagawing pagharap ngayong araw ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go sa Frigate deal contract controversy investigation sa Senado.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar, ito na ang hinihintay nilang pagkakataon upang patunayan mismo sa taong bayan na walang basehan ang mga alegasyong ipinupukol kay Secretary Go.

Sa pamamagitan aniya ng ikakasang imbestigasyon sa Senado ngayong araw na ito, dito ani Andanar masasaksihan ng publiko na inosente at walang kinalaman ang SAP Chief sa akusasyong nangialam ito sa multi bilyong pisong frigate project para sa Philippine Navy.

Apela ni Andanar sa sambayanan, tumutok sa mga live coverages na inaasahang isasahimpapawid ng iba’t ibang himpilan ng radyo at telebisyon at mula duo’y taong bayan na ang humusga sa kontrobersiyang pilit na ikinakapit kay Go.

Kaugnay nito’y ilang miyembro ng gabinete ang inaasahang personal na magtutungo sa Senado bilang suporta na din kay SAP Go, gaya ni Andanar, Presidential Spokesman Harry Roque, Department of Justice Secretary Vitalliano Aguirre, at iba pa. | via Alvin Baltazar