Palasyo, nanawagan sa publiko na bigyan pa ng pagkakataon ang MMDA na maresolba ang kalbaryong dulot ng trapik sa EDSA

Nanawagan ang Palasyo sa publiko na sana’y bigyan ng pagkakataon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gawin ang kanilang trabaho para masolusyunan ang grabeng trapik sa EDSA.

Sa regular press briefing sa Malacañang, sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo na mas maiging hayaan na lang muna ang pamunuan ng MMDA na sumubok ng iba’t ibang kaparaanan para maresolba ang kalbaryo ng mga commuters at mga motorista.

Hinikayat pa nito ang publiko na magbigay ng kanilang mungkahi para makatulong sa paghanap ng solusyon sa araw-araw na sinasagupang trapik sa nasabing national highway.

Personal na mungkahi naman ni Panelo na gawing 24-oras ang serbisyo o transaksyon sa mga pribado at pampublikong tanggapan. Maaari din aniyang maglipat ng mga tanggapan ang gobyerno na ayon sa tagapagsalita ng Palasyo ay kaniya na ding narinig sa mga nakaraan, bukod pa sa 4-day work week.