Palasyo, nanawagan sa Kongreso na kumilos sa posibleng pag-aamiyenda sa COA protocol

Naniniwala ang Malacañang na kailangan nang kumilos ng Kongreso at ma-amiyendahan ang proseso na ipinatutupad ng Commission on Audit (COA) para sa mabilis na pag-usad ng mga proyekto ng pamahalaan.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kung sadyang nakapagpapabagal ang auditing protocol na sinusunod ng COA sa mga government projects, kailangan nang gumalaw ang Kongreso dito at amiyendahan ang probisyon.

Sinabi ni Panelo, dapat sana’y mapaikli ang required number of days sa pag-o-audit ng isang proyekto habang naniniwala din aniya silang kaya namang mag-adjust ng kaunti ang COA nang walang nilalabag na probisyon sa auditing rules.

Maari din aniyang paikliin ang number of days ng bidding bukod pa sa pwede ring gawing simple ang bidding process at bawasan ang napakahabang listahan ng requirement.

Paglilinaw naman ni Panelo sa COA remarks ng Pangulo, ito’y bunga ng labis na pagkainis at hindi isang banta.  | ulat ni Alvin Baltazar