Palasyo, naka-monitor sa flood-prone and landslide-prone areas dahil sa dami ng ulang dulot ng southwest monsoon

Mahigpit na minomonitor ng Malacañan ang sitwasyon sa harap ng dami ng ulang ibinubuhos ng southwest monsoon.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, mahigpit na pinababantayan ng Palasyo ang mga flood at landslide-prone areas.

Sa harap ng nararanasang malakas na mga pag-ulan ay sinabi ni Roque na nakaantabay na din ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa inaasahang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng malalakas na pag-ulan.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ayon kay Roque ay may standby funds na aabot sa P849.5 milyon at prepositioned goods na nasa P169.18 milyon.

Naririyan din aniya ang food and non-food items na aabot sa P676.5 million na tiyak aniyang makatutulong sa resources ng local government units (LGU).

At base sa ulat na nakarating sa Palasyo, nakapagbigay na ang mga LGU ng kaukulang tulong sa mga apektadong pamilya sa Orion and Samal, Bataan, San Antonio, Zambales at Balbalan, Kalinga.