Palasyo, nagpaliwanag sa “arrest” order ng Pangulo kontra kay BOC Intel Officer Guban

Nagpaliwanag ngayon ang Malacañang sa naging pahayag kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa naging direktiba nitong arestuhin na si Bureau of Customs (BOC) Intelligence and Investigation Service Jimmy Guban.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo,  ang ibig sabihin lang ng Presidente ay dalhin si Guban sa National Bureau of Investigation (NBI) upang maimbestigahan at hindi sa kung ano pa man ng walang anumang due process.

Maaaring nasabi lang ng Chief Executive ang salitang “aresto” bilang pagpapakita ng kanyang sobrang kabuwisitan sa katulad ni Guban.

Sa kabilang banda’y sinabi ni Panelo na ibang usapan din naman kung may pending arrest warrant si Guban.

Ayon kay Panelo, ito ay ang bagay na pinatitingnan din ng Presidente kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, na napag-alamang pinasisilip na rin ng Department of Justice (DOJ) sa NBI habang tinitingnan na din kung may basehan para makapagsagawa ng warrantless arrest. | ulat ni Alvin Baltazar