Palasyo, nagpaalala sa mga opisyales ng gobyerno na sumunod sa mga protocol na ipinatutupad ng mga ahensya ng pamahalaan at huwag pairalin ang pagiging VIP gaya ni Pangulong Duterte

Nagpaalala ang Palasyo sa mga opisyales ng pamahalaan na magpasakop sa mga protocol na ipinatutupad ng isang kinauukulang ahensya ng pamahalaan at huwag pairalin ang pagiging VIP.  
 
Ang paalala ay ginawa ng Malacañang sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon ni Congressman John Bertiz dahil sa viral airport video nito na doo’y ipinapakita ang umano’y pangha-harass nito sa isang airport personnel.  
 
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat sana’y matuto ang mga opisyales ng pamahalaan sa ginagawa mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang special treatment na hinihingi at bagkus, dumadaan sa kaukulang proseso na may kinalaman sa security protocol.  
May isang pagkakataon pa ani Roque na hindi siya makapaniwala na sa isang biyahe nila sa Bukidnon papuntang Cagayan de Oro (CDO) by land ay humihinto sa traffic light ang Presidential convoy sa utos din mismo ng Presidente.  
 
Umani ng batikos mula sa netizens ang viral video ni Bertiz matapos na kumprontahin ang isang airport personnel na kinuhanan pa nito ng ID sa gitna ng pagtalima lamang nito sa protocol na ipinatutupad sa paliparan na hindi naman nagustuhan ng mambabatas.  | ulat ni Alvin Baltazar