Palasyo, nagpaabot ng pagbati kay House Speaker GMA bilang ika-21 lider ng Kongreso

Nagpaabot ngayon ng pagbati ang Palasyo ng Malacañang kay dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa pahayag na inilabas ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sinabi nitong hangad ng Palasyo ang tagumpay ni Speaker Arroyo bilang bagong lider ng Kamara de Representantes.

Handa aniya silang makipagtulungan sa bagong liderato ng Mababang Kapulungan at kumpiyansa silang gagamitin ni Speaker Arroyo ang kanyang karanasan at kasanayan upang maisulong din ang priority legislation ng Pangulong Duterte.

Sa kabilang dako’y nagpaabot ng pasasalamat ang Palasyo kay Congressman Pantaleon Alvarez na nagsilbing House Speaker mula Hulyo 25, 2016 hanggang nitong nagdaang Lunes.

Si Arroyo ay pormal na idineklara kahapon bilang ika-21 Speaker ng House of Representatives at kauna-unahang babaeng naging lider sa Kamara.  | ulat ni Alvin Baltazar