Palasyo, mariing kinundena ang shooting incident sa Negros Occidental na ikinamatay ng 9 na magsasaka

Mariing kinundena ng Malacañang ang madugong shooting incident sa Sagay City, Negros Occidental, na ikinasawi ng siyam na sugar workers.

Sa inilabas na statement ng tanggapan ng Office of the Presidential Spokesperson, inihayag nitong nakakaligalig ang nangyaring insidente.

Kaugnay nito’y ipinag-utos ng Palasyo sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng isang malalim at patas na imbestigasyon, para mapanagot ang may sala sa krimen.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na sinusunod ng gobyerno ang prinsipyo kung saan dapat binibigyang halaga ang karapatang mabuhay ng isang tao, at hindi nagiging banta dito ang anumang hindi pagkakaunawaan na may kinalaman sa pag-aagawan sa lupa at iba pang ari-arian.

Nangako naman si Panelo sa mga pamilya ng mga nasawi, na gagawin ng gobyerno ang lahat para habulin at mapanagot ang mga responsable sa madugong shooting incident.

Magugunitang Sabado ng gabi ng paulanan ng bala ng armadong grupo ang mga miyembro ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Sagay, na agad naman ikinasawi ng siyam na miyembro nito. | ulat ni Alvin Baltazar